Nagsumite na ng leave of absence ang dalawang police officers ng PNP Drug Enforcement Group na kabilang sa mga pinangalanan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na umano’y dawit sa 990 kilo biggest drug haul ng PNP.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol Redrico Maranan, bilang pagtalima sa naging panawagan ni Sec. Abalos ay naghain na ng kanilang mga leave of absence ang director mismo ng PDEG na si Police Brigadier General Narciso Domingo, at Col. Julian Olonan na hepe naman ng PDEG Special Operations Unit ng Region 4A.
Pag-amin ni Maranan, bagama’t hamon sa Pambansang Pulisya ang ganitong uri ng mga pagkakataon ay hindi nito kukunsintihin ang kanilang mga kasamahan na dawit sa mga maling gawain.
Sa katunayan pa aniya nito ay marami na rin daw mga pulis ang sinisibak, sinususpinde, at pinaparusahan nito sa pamamagitan ng mas maigting pa na internal cleansing sa buong hanay ng PNP.
Kung maalala, una nang ipinanawagan ni Sec. Abalos sa lahat ng mga sangkot sa naturang krimen na boluntaryo nang maghain ng kanilang leave of absence sa loob ng linggo ito dahil kung hindi ay susupindihin niya ang mga ito.
Matatandaan din na una nang inalmahan ni Domingo ang naturang mga alegasyon kasabay ng pagsasabing hindi raw patas ang pagtratong ito sa kanila dahil tumutupad lamang naman daw sila sa kanilang mga sinumpaang tungkulin na labanan ang kalakaran ng ilegal na droga sa bansa.