CAUAYAN CITY – Patay ang dalawang sakay ng isang kotse matapos silang bumangga kagabi sa kasalubong na Victory Liner bus sa national highway sa Ipil, Echague, Isabela.

Ang mga nasawi na sakay ng Mitsubishi Lancer ay sina Dominic Feliciano, 4- anyos, self employed at residente ng Maligaya, Echague, Isabela at si Aljon Ocampo, binata, laborer at residente ng Malitao, Echague, Isabela.

Ang driver ng bus na nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Echague Police Station ay si Herman Gumban, 41-anyos, residente ng Macate, Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gumban na habang malakas ang buhos ng ulan dakong alas-9:45 kagabi ay bumangga sa kanyang minamanehong bus ang kotse na nag-overtake sa sinusundang tricycle.

Sinikap niyang iwasan ang kotse ngunit bumangga pa rin ito sa bus dahil sa mabilis na takbo nito.

Dahil sa lakas ng impact ay nagtamo ng malalang pinsala ang sasakyan na sanhi rin ng malubhang sugat na tinamo ng dalawang sakay nito.

Sinabi ni Gumban na dahil hindi naman mabilis ang kanyang pagapatakbo sa bus ay walang nasaktan sa kanyang mga pasahero.