CENTRAL MINDANAO – Dalawa ang nasawi nang araruhin sila ng motorsiklo sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rogen Bayod Fernandez, 26, at Stephanie Vertura Fernandez, 28, habang nakaligtas ang anim na taong gulang na batang babae na sakay din ng motorsiklo.

Ang mga ito ay residente ng Palmera Drive, Brgy Poblacion, Makilala, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng pulisya na habang sakay ang mga biktima ng motorsiklo patungong Kidapawan City ngunit pagsapit nila sa Patulangon road, Barangay Malasila, Makilala, North Cotabato ay bigla silang binangga ng isang pang kasunod na motorsiklo.

Pero imbes na tumigil ay iniwan lang ang mga biktima ng hindi kilalang driver.

Dahil sa insidente ay tumilapon ang driver ng motorsiklo sa gilid ng highway at nagtamo ng sugat dahilan para bawian ng buhay pati narin ang angkas na babae.

Masuwerte namang nakaligtas ang anim na taong gulang na bata.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Makilala PNP sa vehicular accident para malaman ang pagkakakilanlan ng driver ng bumangga sa mga biktima.