KALIBO, Aklan – Patay ang driver kasama ang kanyang pahinante nang mahulog ang sinasakyang 10-wheeler truck sa bangin sa Barangay Libertad, Nabas, Aklan.

Nakilala ang mga nasawi na sina Juan Nolly Francisco, 56, residente ng Brgy. Caano, Kalibo at Ronald Mirano, 24, ng Brgy. Bulabod, Malinao.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, galing Caticlan jetty port at papuntang bayan ng Kalibo ang truck pero nawalan ng preno sa pababa at pakurbadang kalsada.

Bumangga muna ito sa barandilya bago tuluyang nahulog sa bangin na may lalim na limang talampakan.

Naging pahirapan ang pagkuha sa pahinante na naipit ng sasakyan na nangailangan pa ng backhoe.

-- Advertisement --

Nasa 450 sako ng animal feeds ang karga ng trak.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Nabas Police ukol sa insidente.