KORONADAL CITY -Nagresulta sa pagkasawi ng dalawang indibidwal kabilang na ang isang menor de edad ang isinagawang operasyon ng pulisya laban sa mga wanted persons sa Sitio Ebenezer, Brgy. Rang-ay, Banga, South Cotabato.
Kinilala ang mga nasawi na sina Roberto Lapastora, 41 taong gulang at Jemiles Dasan, 14 taong gulang, anak ng Sitio Kagawad at kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Irida Dasan, kamag-anak ng mga nasawi, hindi sila naniniwalang nanlaban ang dalawa dahil wala umanong baril ang mga ito.
Wala rin umanong mga kasong kinakaharap sina Lapastora at Dasan kaya’t malaki ang paniniwala ni Ginang Irida na mistaken identity ang nangyari sa kanilang kamag-anak na nag-uuling lamang sa nabanggit na lugar.
Maging ang nakuhang mga baril sa mga nasawi ay pinagdududahang planted lamang ayon sa pamilya.
Sa ngayon galit ang namamayani sa pamilya ng dalawang nasawi at nananawagan ng hustisya dahil nagkamali umano ang pulisya sa kanilang ginawa.
Nanindigan naman ang pulisya na legitimate police operation ang isinagawa ng mga ito.
Ayon kay Police Lt. Joenary Castanares, DCOP ng Banga MPS, target ng operasyon ang dalawang most wanted persons sa kanilang bayan at sa buong South Cotabato at ang mga suspek ang unang nagpapaputok sa operating team kaya’t napilitan silang gumanti hanggang sa humantong sa arm confrontation na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.
Makakapagpatunay umano ang mga nakuhang baril sa mga suspek kasama na ang sa menor de edad na delikadong mga tao ang nakasagupa nila.
Ngunit, nakahanda din umano silang harapin ang anumang kaso o reklamo na isasampa ng pamilya ng mga nasawi sa operasyon.