CAUAYAN CITY – Naaresto at sasampahan ng kasong two counts ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Physical injuries and Damage to Properties ang driver ng kotse na sanhi ng karambola ng tatlong sasakyan kabilang ang isang Kadiwa truck sa Bugallon Proper, Ramon, Isabela.
Ito ay nagdulot ng pagkasawi nina Addison Kyle La-ao, kawani ng Department of Agriculture-Cordillera (DA-CAR), residente ng Puguis, La Trinidad, Benguet at Karen Briones, magsasaka, miyembro ng Barangay Loakan Organic Farmers Association at residente ng Itogon, Benguet.
Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital ang driver ng Kadiwa truck na si Tommy Timoteo, residente ng Itogon, Benguet.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Christopher Danao, hepe ng Ramon Police Station na binabagtas ng Kadiwa truck ng DA Cordillera sakay ang mga biktima nang banggahin ng Toyota Vios na minamaneho ni Allan Mark Barroza, residente ng Bugallon Norte, Ramon, Isabela.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga ay bumangga rin ang sinakyan ng mga biktima sa trailer truck na minamaneho ni Mark Andy Bago, residente ng Bantay, Solana.
Dinala sa pagamutan ang mga sakay ng Kadiwa truck ngunit binawian ng buhay sina La-ao at Briones habang nilalapatan ng lunas sa ospital sa Santiago City
Matapos ang aksidente ay tumakas ang tsuper na si Barroza ngunit agad ding naaresto sa isinagawang hot persuit operation ng mga pulis at natuklasang nakainom ng alak patunay ang pagpositibo sa alcoholic breath test.