CENTRAL MINDANAO – Rido o alitan sa pamilya ang natatanaw ng mga otoridad sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.
Dalawa sa mga magsasaka ang nasawi at isa ang nasugatan na mga residente ng Sitio Tubak, Barangay Pagangan, Aleosan Cotabato.
Sinabi ni Guiaria Palencia kamag-anak ng mga biktima na nilusob aniya sila ng isang grupo habang sila ay natutulog at pinagbabaril-patay ang kanyang anak at pamangkin habang isa ang nasugatan.
Bago tumakas ay tinangay ng mga suspek ang kanilang pera na nagkakahalaga ng P60,000 na mula pa sa benta ng kanilang mais at isang M14 armalite rifle.
Agad namang nagresponde ang mga kaanak ng mga biktima na mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ngunit nakatakas na ang mga suspek.
Nananawagan ngayon ang mga residente sa Sitio Tubak sa mga kinauukulan na sana ay agad na maaksyunan ang nangyaring insidente upang hindi na lalawak pa ang gulo sa kanilang lugar.