KIDAPAWAN CITY – Sumiklab ang matinding sagupaan ng mga armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.

Ayon kay Cotabato police provincial director S/Supt. Emmanuel Peralta na nagka-engkwentro ang grupo nila Kumander Butuh Mantol at Kumander Ricky Husain sa bahagi ng Barangay Inug-og, Pikit, North Cotabato at hangganan ng Pagalungan, Maguindanao.

Agad na nagsilikas ang maraming mga sibilyan sa takot na maipit sa kaguluhan.

Ang grupo nila Kumander Butuh Mantol at Kumander Ricky Husain ay pawang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ngunit may personal na alitan sa kanilang pamilya o rido.

Hirap ang mga lokal opisyal sa bayan ng Pikit na pahupain ang gulo dahil nagpapatuloy pa ang kalat-kalat na sagupaan.

Umaabot na sa dalawa katao ang nasawi at dalawa rin ang nasugatan habang libu-libong mga sibilyan ang lumikas sa bayan ng Pikit at Pagalungan.

Sa ngayon ay kumilos na ang Central Committee ng MILF para ayusin ang awayan ng mga naglalabang grupo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here