akg

Patay ang dalawang indibidwal habang naaresto ang isa sa pagpapatupad ng search warrant ng mga tauhan ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Teresa, Rizal.

Ayon kay PNP Anti-Kidnapping Group spokesperson Major Ronaldo Lumactod, ipapatupad sana nila ang search warrant laban kay Rodel Basi dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act pero habang papalapit ang mga otoridad sa bahay ng suspek ay nagpaputok umano ito ng baril.

Agad namang gumanti ng putok ang mga pulis kung saan napatay si Basi at ang kanyang panganay na anak na si Romar habang naaresto ang bunsong anak.

Ang mga nasawi ay sangkot umano sa pagdukot sa Indian nationals, robbery, gun-for-hire gayundin sa kaso ng murder at homicide sa Rizal partikular sa bayan ng Teresa.

Nakuha sa lugar ang isang shotgun, isang 9mm pistol at isang caliber .45 pistol.

akg1