Nakatakdang iuwi sa Pilipinas ngayong linggo ang labi ng dalawa pang Pinoy na namatay sa armadong labanan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang bangkay ni Angelyne Aguirre, ang Pinay nurse na piniling manatili sa kanyang matandang pasyente habang binaril ng mga armadong lalaki ang isang bomb shelter, ay darating sa bansa sa Biyernes, Nobyembre 3.
Sinabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio, inaayos na kung saan ito ibuburol at inihahanda na rin ang tulong na maaaring ibigay ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatakdang dumating ang mga labi ni Grace Prodigo Cabrera sa Linggo, Nobyembre 5.
Matatandaang apat na Pilipino ang kumpirmadong binawian ng buhay sa nagpapatuloy na labanan sa Israel.
Kinilala ang mga ito na sina Loreta Alacre, Paul Vincent Castelvi, at si Angelyne Aguirre at Grace Cabrera.