-- Advertisements --
image 502

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa 2 opisyal mula sa Department of Agriculture (DA) at Food Terminal Incorporated (FTI) matapos mapatunayang guilty ang mga ito kasunod ng isinagawang imbestigasyon sa isyu ng suplay ng sibuyas na nagresulta sa pagsipa sa presyo ng naturang produkto noong nakalipas na taon.

Sa naging desisyon ng Ombudsman, pinasisibak si DA Assistant Secretary Kristine Evangelista dahil sa grave misconduct at si FTI Vice President for Operations John Gabriel Benedict Trinidad III dahil naman sa negligence of duty.

Kapwa guilty ang mga ito ng conduct prejudicial to the best interest of the service.

Mayroon ding probable cause ang Ombudsman para kasuhan si Evangelista, Trinidad at iba pang mga indibidwal para sa paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), at falsification by private individuals and use of falsified documents (Art. 172 of the Revised Penal Code).

Una rito, sangkot umano ang nasabing mga opisyal sa kakapusan ng suplay ng sibuyas at manipulasyon ng presyo gayundin sa kwestyonableng pagbili ng produkto.

Kung saan lumagda ang DA kasama ang FTI para sa isang memorandum of agreement para sa Kadiwa Food Hub project.

Dito, nilabag umano ng mga opisyal ang procurement rules kabilang ang kakulangan ng mga parameters sa pagpili ng kooperatiba na magsusuplay at maghahatid ng sibuyas, ang kwestyonableng advance payment ng 50% ng contract price, hindi pagtalima sa MOA at iba pa.

Samantala, ang mga kaso naman laban sa co-repondents na sina DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, DA Administrative Officer V Eunice Biblanias, DA OIC-Chief Accountant Lolita Jamela, at FTI Budget Division Head Juanita Lualhati ay ibinasura dahil sa kawalan ng probabe cause gayundin kay FTI President Robert Tan matapos na pumayag itong tumestigo para sa prosekusyon.

Top