CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang dalawang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat ng 603rd Brigade na habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 37th Infantry Battalion Philippine Army sa hangganan ng Brgy Sta Clara at Brgy Datu Ito Andong Kalamansig, Sultan Kudarat ay nakasagupa ang mga NPA sa pamumuno ni Edgar Kandi alyas Kumander Kuyot ng Guerilla Front Committee 74.
Tumagal ng 10 minuto ang palitan ng bala sa magkabilang panig na nagdulot ng takot sa mga sibilyan.
Agad namang tumakas ang mga rebelde nang dumating ang karagdagang pwersa ng militar.
Narekober ng mga sundalo ang dalawang bangkay ng mga NPA at nakuha sa kanilang posisyon ang isang M16 armalite rifle, 12-guage shotgun, mga bala, pampasabog, medical kit, dalawang magazine at mahahalagang dokumento ng mga rebelde.
Matatandaan na noong nakalipas na linggo isang sundalo ang nasawi nang tambangan ng mga NPA sa bayan ng Kalamansig.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng 37th IB ang grupo ni Kumander Kuyot sa Kalamansig, Sultan Kudarat.