-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ng state forces ang anim na umano’y miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na kinabilangan ng dalawang tumatayo na commanders habang nakompiskahan ng mga baril sa Barangay Umagos, Lagonglong, Misamis Oriental.

Sa ipinaabot na impormasyon ni 58th IB, Philippine Army commander Lt. Col. Ricky Canatoy sa Bombo Radyo na kabilang sa mga arestado ay sina Jemar Hilogon alyas Siatam na kasalukuyang kumander ng Platoon Cherry Mobile ng Guerilla Front Huawei ng North Central Mindanao Regional Committee, Rubensito Hilogon alyas Mikot, pinuno ng Militia ng Bayan at si Jobert Hilogon alyas Janggo na lahat residente ng lalawigan.

Nahuli rin sina Alice Calimbay Hilogon alyas Amy;Jocelyn Hilogon Cabusog alyas Ela at isang menor de edad.

Sinabi ni Canatoy na nakubkob rin ng kanilang tropa kasama ang City Mobile Force Company ng Cagayan de Oro City Police Office ang mga baril na kinabilangan ng M-14, Garand rifle, AK-47 rifle, dalawang rifle grenades at iba’t ibang klaseng bala.

Sa ngayon, nakakustodiya ang mga suspek sa police detention cell na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Magugunitang nahuli ang mga ito kaugnay sa follow operation ng state forces matapos ang engkuwentro sa Gingoog City ng lalawigan ay mayroong nasawing sundalo.