-- Advertisements --
MV Mary Joy 3 fire incident

Nanindigan ang Basilan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na unaccounted pa rin ang dalawang nawawalang pasahero lulan ng nasunog na barko noong Marso 29.

Nilinaw ni Basilan PDRRMO chief Nixon Alonzo ang naging pahayag ng Philippine Coast Guard na ang narekober na isang bangkay sa may Barangay Sulutan Matangal, Hadji Mohammad Adjul noong Abril 11 ay ang huling nawawalang pasahero ng M/V Lady Mary Joy 3.

Natukoy ang narekober na pasahero na si Private 1st class Marion Malda ng Sulu-based 11th infantry Division.

Ayon sa PDRRMo chief mayroon pa ring 18 nawawalang pasahero base sa kanilang pakikipag ugnayan sa PDRRMO-Sulu. Mayroong 16 na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ang narekober na nasunog na bangkay na lulan ng barko. Ibig sabihin aniya mayroon pang dalawang unaccounted.

Nasa proseso na rin aniya sila ng pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga nasunog na biktima sa pamamagitan ng DNA testing.

Matatandaan na nasunog ang M/V Lady Mary Joy 3 dakong alas 11:30 ng gabi noong Marso 29 malapit sa Baluk-Baluk Island, Hadji Muhtamad, Basilan habang naglalayag patungong Sulu mula sa Zamboanga City.