-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang tao habang tatlo ang nasugatan matapos mahulog sa irigasyon ang kanilang sinakyang Double Cab Elf sa Kalinga-Cagayan Road sa Tabuk City, Kalinga.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang driver ng sasakyan ay si Cesar Camtugan, habang ang kanyang mga pasahero ay sina Marlon Kis-ing, Jaymar Badillo, Jayson Kinto, Daniel Cudal at Edwin Capuyan, pawang nasa tamang edad, mga magsasaka at residente ng Tabuk City, Kalinga.

Nasawi sa aksidente sina Capuyan at Kinto matapos magtamo ng malalang sugat sa katawan.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad hinihinalang nagkaroon ng problema sa preno ang sasakyan na naging dahilan ng aksidente.

Galing sa Agbannawag, Tabuk City, Kalinga ang mga biktima at magtutungo sana sa Men Fellowship Assembly sa Manag, Conner, Apayao.

Bigla na lamang umanong hindi makontrol ng tsuper ang manibela ng sasakyan sa pakurbadang bahagi ng daan hanggang mahulog sa irrigation canal.

Nakita rin ang marka na pinilit ng tsuper na magpreno ngunit tuloy-tuloy na nahulog sa irigasyon ang sasakyan.

Nagtamo ng sugat sa mukha at pananakit sa likod ang tsuper na si Camtugan habang nagtamo rin ng sugat sa mukha si Kis-ing.

Si Badillo ay nagtamo ng sugat sa mukha malapit sa kanang mata.

Natagpuan namang patay si Capuyan sa harapan ng Poultry na halos isang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente habang ang ibang mga pasaherong nasugatan ay dinala sa pagamutan.

Naiahon na ang truck na nahulog sa irrigation canal.