-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Koronadal City-Philippine National Police sa nangyaring krimen sa gitna mismo ng daan sa Barangay Sto. Niño, Lungsod ng Koronadal.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Tony, isa sa mga nakasaksi sa krimen, nasa vulcanizing shop nito ang biktimang si alyas Jerry, nasa legal na edad at residente ng nasabing barangay; nang maabutan ito ng suspek na si alyas Alex, electrician sa kalapit na restaurant, kung saan bigla na lamang nagkaroon ang mga ito ng pagtatalo na nagresulta sa komosyon.

Sa kalagitnaan ng mainit na pagtatalo ay kumuha umano ng tubo ang suspek at ilang beses na hinampas sa ulo ang biktima na nagresulta sa pagtamo nito ng maraming sugat sa ulo at halos naligo na sa sariling dugo.

Sinasabing hindi na sila naawat ng mga tao sa paligid dahil sa takot ng mga itong madamay sa gulo.

Dagdag pa ng witness na posibleng isang alyas Ruby ang kanilang pinag-awayan na dati ng may-asawa ngunit sumama raw kay Jerry, at nakipagrelasyon pa kay Alex.

Kaugnay nito, malaki ang paniniwala ng mga nakasaksi sa krimen na hindi na mabubuhay pa ang biktima dahil sa malulubhang sugat na tinamo nito sa ulo.