CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act ang dalawang katao dahil sa pagbebenta ng overpriced na alcohol sa lunsod ng Cauayan.
Ang mga nahuli ay sina Maria Claudette Lorenzo, 29, residente ng San Fermin, Cauayan City at Lorenzo Mangorit, 27-anyos, residente ng District 3, Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt.Col. Arturo Marcelino, pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group Isabela, sinabi niya na nahuli ang dalawa sa isinagawang buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng CIDG at PNP.
May mga natatanggap silang reklamo tungkol sa pagbebenta ni Lorenzo ng overpriced na alcohol kaya kanila itong minanmanan.
Nakipagtransaksyon sila kay Lorenzo sa pamamagitan ng social media at napagkasunduan nilang magkita sa harapan ng isang establisyemento sa Barangay, San Fermin dakong alas-2:00 kahapon.
Ayon kay Marcelino, si Lorenzo lamang ang kanilang puntirya subalit dahil kasama nito si Mangorit na nagdala ng mga nakumpiskang alcohol ay hinuli na rin siya.
Nakumpiska sa kanila ang dalawang galon ng alcohol at bawat galon ay naglalaman dalawampong litro.
Kada galon ay nagkakahalaga ng P5,600 at napagkasunduan na ang dalawang galon ay babayaran ng P11,200.
Nasa pangangalaga na ng CIDG Isabela ang dalawa at nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw.