BAGUIO CITY – Nagpapatuloy pa ang bakbakan sa pagitan ng mga CAGFU (Citizen Armed Force Geographical Unit) at mga militar laban sa New People’s Army (NPA) sa Maguyepyep, Sallapadan, Abra, na nagsimula kaninang umaga.
Ayon sa ilang residente sa Sallapadan na nakapanayam ng Bombo Radyo, dalawa na ang namatay sa insidente kung saan isa ang CAFGU at isa ay taga-bayan ng Bucloc, Abra.
Sinabi nila na nasawi ang pangalawa matapos maubusan ng dugo at hindi na nakaabot pa sa pagamutan.
Base sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo, nakilala ang mga nasawing sina Dandy Wacquisan ng Lingey, Bucloc, Abra; at Gordon Gallao ng Callaban, Bazar, Sallapadan, Abra.
Gayunman, sinabi ni Colonel Henry Doyaoen, commander ng 503rd Infantry Division, Philippine Army, na isa pa ang kumpirmadong patay sa sagupaan ngunit hindi pa nila alam kung CAFGU o rebelde ito.
Dagdag ng mga residente na wala pa silang nakikitang reinforcement mula sa militar dahil dalawang oras pa ang biyahe mula Bangued at wala pa silang naririnig na nagrespondeng chopper ng militar.
Sa ngayon, nasa loob ng kani-kanilang tahanan ang mga residente na malapit sa pinangyayarihan ng bakbakan kung saan nakakaramdam sila ng kaba, takot at pag-alala.
Una rito, napag-alaman na sumiklab ang engkuwentro matapos salakayin ng mga terorista ang detachment ng CAFGU sa Maguyepyep, Sallapadan.