Sasailalim na rin sa self-quarantine ang ilang mambabatas sa US Congress matapos makumpirma na dalawa sa kanilang mga kasamahan sa Kongreso ang kapwa nag-positibo sa coronavirus.
Sina Republican Rep. Mario Diaz-Balart,58, at Democrat Rep. Ben McAdams, 45, ay ang kauna-unahang myembro ng Kongreso na tinamaan ng naturang virus.
Ayon sa dalawang mambabatas ay pareho silang nakaramdam ng mga sintomas at kaagad sumailalim sa voluntary quarantine para hindi na mahawa pa ang kani-kanilang pamilya.
Nitong nakaraan lamang nang suportahan nina Balart at McAdams ang pagpapasa sa coronavirus relief package na isinulang ng Trump administration.
Dahil dito ay 21 myembro ng Kongreso ang pumayag na mag self-quarantine dahil nagkaroon sila ng direct contact sa mga nasabing infected.
Isa na rito si Republican Sen. Ted Cruz na mag-isang mananatili sa kaniyang bahay sa Texas matapos matanggap ang impormasyon na nakasalamuha umano nito ang isang indibidwal na dumalo sa Conservative Political Action Conference na kalaunan ay nagpositibo rin sa coronavirus.