-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Asian Development Bank (ADB) ang $2 million grant para mapondohan ang humanitarian efforts sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao na sinalanta ng Bagyong Odette.

Mababatid na ang Odette, na sumalanta sa ilang panig ng bansa noong Disyembre, ang siyang pinakamalakas na bagyo noong 2021, na siyang nagpabagsak sa ilang mga kritikal na imprastraktura tulad ng telecommunications at power lines, bukod pa sa mga nasirang bahay.

Ang grant na ito sa ilalim ng Asia Pacific Disaster Response Fund ay inilaan para magbigay ng humanitarian assistance sa nasa 15,000 households o katumbas ng 75,000 katao sa Visayas at Mindanao.

Gamit ang pondong ito, mamamahagi ng food vouchers sa mga target communities na maaring ipagpalit ng mga beneficiaries sa pagkain sa ilang piling pamilihan.

Ayon kay ADB Director General for Southeast Asia Ramesh Subramaniam na naging mas mahirap para sa mga Pilipino ang pinsalang iniwan ng Bagyong Odette sa housing, agriculture, at infrastructure.

Base sa tala ng gobyerno, aabot sa P6 billion ang pinsala ng bagyo sa sektro ng agrikultura lamang, at sumira rin sa 500,000 bahay at sanhi nang pagkasawi ng 400 katao.