MARAWI CITY – Patay ang dalawang myembro ng Maute/ISIS terrorist group sa engkwentro ng mga otoridad sa Lanao del Sur.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jalaloding Mocsir alyas Laluwa at Nasrullah Capal na mga residente ng Brgy Moriataobae sa Masiu, Lanao del Sur.

Ayon kay Lanao del Sur police provincial director Col. Madzgani Mukaram na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa Brgy Pagalamatan Saguiaran, Lanao del Sur ngunit nanlaban ang mga suspek.

Tumagal ng 10 minuto ang palitan ng bala ng mga otoridad laban sa dalawang terorista.

Patay ang mga suspek at narekober sa kanilang posisyon ang isang Glock 9mm pistol, isang KG9 caliber 9mm, mga bala at walong pakete ng shabu.

-- Advertisement --

Ang dalawang napatay ay kasapi ng grupo ni Osoph Hadji Nasif alyas Kumander Asrap.

Ang grupo ni Kumander Asrap ay suspek sa pananambang kay Mayor Nasser Pangandaman Jr. ng bayan ng Masiu na nagresulta sa pagkasawi ni Staff Sergeant Jabbar Pangandaman.

Apat naman sa mga kamag-anak at asawa ni Mocsir ang hinuli ng mga otoridad.