-- Advertisements --

NAGA CITY – Wala ng buhay nang matagpuan ang dalawang mangingisda habang nakaligtas naman ang apat na iba pa matapos maanod sa Camarines Sur.

Ang naturang insidente ay bunsod ng ilang araw na walang tigil na pag-ulan hanggang sa pagsalubong sa bagong taon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Efren Del Castillo at Juan Caballero.

Habang ang apat na masuwerteng nailigtas ay nagngangalang Alfredo Tablezo at anak nito gayundin, sina Aladino at Lamhoy Caballero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Janette Bombase, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Garchitorena, sinabi nito na unang tumaob ang bangka na sinakyan nina Alfredo at ng anak nito kung saan nadaanan naman ito ng isang Teddy Callao.

Gayunman, hindi na nito sinubukan pang iligtas ang dalawa dahil sa lakas ng alon kaya dumiretso na lamang ito para humingi ng tulong.

Sumunod na rito ang pagdaan naman ng bangka na sinasakyan nina Del Castillo, Juan, Aladino at Lamhoy, kung saan binalikan ng mga ito ang mag-ama para tulungan ngunit bigla ring tumaob ang bangka ng mga ito.

Dito na dumating ang isang motorboat para sa pag-rescue ng anim na indibidwal na nagpapalutang-lutang sa dagat.

Ngunit tinangay na ng alon sina Del Castillo at Juan Caballero nang makabitaw sa kanilang tumaob na bangka kaya tanging ang mag-ama lamang at sina Aladino at Lamhoy ang nailigtas.

Samantala, ilang oras matapos ang insidente ay natagpuan din umano ang wala nang buhay na si Juan Caballero sa bahagi na ng Barangay Binagasbasan habang si Del Castillo naman ay nakuha matapos pa ang 48 oras.

Sa ngayon ay nailibing na ang dalawang mangingisda.