Dalawang malalaking dam na sa Luzon ang nagpakawala ng tubig, bunsod ng malaking volume ng tubig na naipon dahil sa sunod-sunod na pag-ulang dulot ng bagyong Egay.
Sa Ambuklao Dam, binuksan ang walong flood gates nito, matapos halos maabot ang 752 meters na high water level.
Sa Binga Dam, binuksan naman ang anim na flood gates nito, matapos makaipon ang nasabing dam ng hanggang sa anim na metro na taas ng tubig.
Tiniyak naman ng Department of Science and technology na nabigyan ng sapat na abiso ang mga nakatira sa mga lugar na maaaring maapektuhan sa pagpapakawala ng tubig.
Sa kabilang dako, umakyat na sa 182.98 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam na siyang pinagkukuhanan ng 90% sa tubig na kinakailangan ng mga consumer sa Metro Manila.
Ito ay halos 3 metro na mas mataas kumpara sa normal water level ng nasabing dam na 180 meters.
Batay sa tala ng DOST, mahigit isang metro ang naidagdag sa antas ng nasabing dam sa 24 oras na pag-ulan matapos na maitala lamang ang 181.64 meters noong Hulyo-26.