CAUAYAN CITY- Kaagad na nasawi ang dalawang lulan ng motorsiklo matapos na salpukin ang kasalubong na sasakyan sa Sitio Ilot, barangay Caquilingan, Cordon,Isabela.
Ang mga nasawi ay ang tsuper na si Elmer Linda-o, 20 anyos at angkas nito na si Jerome Linda-o kapwa residente ng Barangay Pieza, Lamut, Ifugao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Fernando Mallillin, hepe ng Cordon Municipal Police Station, sinabi niya na pasado hatinggabi nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen tungkol sa banggaan ng isang four wheel vehicle at motorsiklo.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, papuntang Santa Fe, Nueva Vizcaya ang sasakyan na minamaneho ni Ronald Kharat, isang Indian National, 38 anyos, residente ng Manggahan, Pasig City at paliko na sana sa isang pakurbadang bahagi nang kalsada nang bigla salubungin nang motorsiklo na naging naging dahilan nang salpukan ng dalawang sasakyan.
Napag-alaman ng pulisya na umagaw ng linya ang walang ilaw na motorsiklo at ayon sa mga tumugon na pulis, amoy alak umano ang mga biktima.
Nagtamo ng maraming malalang sugat sa iba’ t ibang bahagi ng katawan ang dalawang sakay ng motorsiklo na agad dinala sa Southern Isabela Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng kanilang attending physician.
Depensa ng driver ng sasakyan nagawa sana niyang iwasan ang motorsiklo kung may ilaw ngunit dahil may kadiliman rin sa naturang bahagi ng lansangan ay hindi na naiwasan ang naganap ang aksidente.
Sa ngayon ay dinala na sa himpilan ng pulisya ang driver ng sasakyan at hinihintay na lamang ang pag-uusap ng driver at pamilya ng mga nasawi.
Posible namang maharap ang driver ng sasakyan sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Double Homicide and Damage to Property.