Dalawang bakuna sa COVID-19 ang posibleng gamitin kapag isinagawa ang Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Dr. Nina Gloriani, head ng Vaccine Expert Panel (VEP), sa gitna ng mga usapin sa inaabangang clinical trial.
“We discussed, may mga candidate vaccines na lima, then dalawa yung pinaka-promising, but there are still certain issues. Until ma-resolve ‘yon, then lalabas na,” ayon sa eksperto.
“Hopefully baka tonight, because we have a meeting tonight.”
Hindi pinangalanan ng VEP head ang mga bakuna, pero inamin nito na kabilang sila sa mga nangungunang COVID-19 vaccine ngayon sa buong mundo.
“Nasa radar namin ‘yan… ibig sabihin, napag-aralan na rin namin, ng VEP, kaya hindi tayo masyadong matatagalan.”
“Hindi ko masasabi kung nag-apply sa atin o hindi.”
Magugunitang sinabi ng Department of Health na itinakda ng WHO sa huling linggo ng Oktubre ang schedule ng pagsisimula ng Solidarity Trial.
Pero nagpaliwanag ang institusyon at sinabing uunahin muna ang eksperimento sa Estados Unidos bago gawin sa iba pang sumaling bansa.
“No notice for this. They (WHO) only update us every week when we do our steering committe meeting for clinical trials, that they would still need time because of the prioritization of vaccines,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“On our end, we try to explain kasi the vaccine prioritization is taking a long time because they are very careful in choosing which one,” ayon naman kay Dr. Gloriani.
Nitong araw tinukoy ng VEP head ang listahan ng trial sites para sa gagawing Solidarity Trial. Kabilang dito ang ilang ospital at barangay sa Metro Manila, Cordillera at Davao City.