CAUAYAN CITY- Dead on arrival sa pagamutan ang dalawang lalaking lulan ng motorsiklong nasangkot sa aksidente sa Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan Police Station nakatanggap ng impormasyon ang kanilang tanggapan mula sa isang concerned citizen kaugnay sa naganap na aksidente
Nangyari ang naturang aksidente sa Barangay road ng Purok Singko Marabulig 1, Cauayan City.
Ang mga biktima ay sina Jonathan Garania 23 anyos , truck helper, na kasalukuyang nakatira sa San Fermin, Cauayan City ngunit tubong Lallo, Cagayan at Raymond Ramones nasa tamang edad, binata, truck helper at residente ng Barangay Bacolod, Cauayan City.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya,, binabagtas umano ng mga biktima ang lansangan sakay ng motorsiklo patungong barangay Marabulig nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay aksidenteng dumiretso ang mga biktima sa isang kanal bago sumalpok sa puno.
Dahil sa lakas ng pagkabangga ay nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang mga biktima na agad dinala sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay.