-- Advertisements --

Pinagbawalan na ng Bureau of Immigration (BI) na muling makapasok sa bansa ang dalawang Korean nationals na sangkot sa tangkang pagpupuslit ng mga overseas Filipino workers (OFW’s).

Ayon kay BI port operations division chief Grifton Medina, ang mga suspek ay sina Lee Jeong Seop at Pyun Jung Su.

Lumalabas na iligal na ni-recruit ng dalawang banyaga ang 13 Pinoy workers para magtrabaho sa Malaysia at Korea.

Si Lee umano ang nag-ayos sa mga dokumento para makabiyahe ang walong biktima na naharang sa Clark airport na sasakay sana sa Jetstar Airways papuntang Singapore at doon ulit sasakay ng biyahe patungong Kuala Lumpur.

Inamin naman ng mga Pinoy na ni-recruit sila ni Lee na magtrabaho bilang English instructors para sa mga Korean students sa Malaysia.

Samantala, ang lima namang biktima ay nahuli kasama si Pyun na sasakay sana sa Cebu Pacific flight papuntang Hongkong.

Ang limang Pinay ay dadalhin daw sana sa Korea para magtatrabaho bilang nightclub entertainers.

Hawak ngayon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktimang Pinoy para sa imbestigasyon habang blacklisted na ang dalawang banyaga.