NAGA CITY- Patay ang dalawang katao habang sugatan naman ang pitong iba pa kabilang na ang tatlong menor de edad matapos na mawalan ng kontrol ang isang Owner Type Jeep habang binabagtas ang KM 12, Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon.
Kinilala ang mga binawian ng buhay na sila Adelina America Peñamante at Adrian Mercado, habang ang mga sugatan na sila Nelvin Paul Maldaner, 48-anyos; Linda Capatasan, 39-anyos, residente ng Sitio Lagmak, Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon; Pablo Dela Cruz America, 35-anyos, residente ng Barangay Minahan Norte, at miyembro ng Dumagat Tribe; Analiza Mercado Adornado; isang 13-anyos na dalagita; isang 9-anyos na batang lalaki, residente ng Sitio Lagmak, Barangay Magsaysay, sa nasabing lalawigan, at isang 3-anyos na batang lalaki, na residente naman ng Barangay Minahan Norte, at miyembro ng Dumagat Tribe.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang binabagtas ng sasakyan na pinagmamaneho ng isang alyas Loren, 45-ayos, residente ng Sitio Hulo, San Mateo Norzagaray Bulacan ang kahabaan ng nabanggit na daan ng mawalan ito ng brake na naging dahilan upang mag-overshoot ito sa kabilang bahagi ng kalsada at tuluyan ng mahulog sa bangin.
Kaagad namang dinala sa ospital ang mga biktima pero sa kasamaang palad tuluyan na ring binawian nin buhay sila Peñamante at Mercado.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa nasabing insidente.










