-- Advertisements --
DMW

Gumagawa na ng paraan ang Department of Migrant Workers (DMW) upang mabigyan ng trabaho ang naiwang dalawang kapatid ng napatay na Pinay worker sa Israel dahil sa giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas.

Sa pagdinig ng Committee on Overseas Workers Affairs ngayong araw, sinabi ni Migrant Workers Officer-in-charge Hans Leo Cacdac na kasalukuyan na nilang tinutulungan ang 2 kapatid ng nasawing Pinay nurse na taga-Binmaley Pangasinan.

Ito ay tugon na rin sa naging request o kahilingan ng pamilya ng napaslang na Pinay worker.

Una rito, ang Pinay nurse na kinilalang si Angelyn Peralta Aguirre ay isang nurse na nakabase sa Kibbutz Kfar Aza malapit sa Gaza strip na pinapurihan ng deputy mayor ng Jerusalem dahil sa ipinamalas na kabayanihan nito na hindi iniwanan ang kaniyang matandang pasyente ng binihag sila ng militanteng Hamas kahit pa may pagkakataon ito para tumakas at kahit pa kapalit nito ay ang kaniyang buhay.

Kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Labor and Employment (DOLE), ginagawa nila ang lahat ng tulong na maibibigay sa naulilang pamilya ng 4 na OFWs at mga napauwing Pilipino dahil sa giyera sa Israel alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos jr.

Iniulat din ng DMW official na nasa 746 pamilya ang humiling na ng tulong para malaman ang kalagayan ng kanilang kamag-anak na OFWs na nasa war-torn country kung saan tanging 2 na lamang ang unaccounted pa hanggang sa ngayon.

Kaugnay nito, sinabi ni Cacdac na humingi na sila ng tulong mula sa Israel Defense Forces para matunton ang kinaroroonn ng lahat ng OFWs na naiipit sa giyera.