BAGUIO CITY – Nananatiling sarado ang dalawang kalsada sa Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa pag-ulan na nararanasan.

Batay sa report ng Maintenance Division ng DPWH-Cordillera, sarado pa rin ang tanyag na Kennon Road sa Tuba, Benguet at ang Busa Section sa Barlig, Mountain Province.

Ayon sa DPWH-Cordillera, mapanganib pa rin para sa mga motorista ang Kennon Road dahil sa mga insidente ng pagkahulog ng mga bato mula sa bundok at sa mga naitatalang minor landslides lalo na sa bahagi ng Camp 5, Tuba, Benguet.

Napag-alaman din na hindi pa nabuksan sa mga motorista ang Busa Section dahil sa pagguho ng lupa doon noong nakaraang linggo kung saan mayroong malaking bato na humarang sa gitna ng kalsada.