NAGA CITY – Mahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang dalawang guwardiya na nakunan ng baril at patalim matapos na masangkot sa aksidente sa Naga City.

-- Advertisement --

Kinilala ang mga itong sina Joshua Palisic at Rheymart Ohanez.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Van Layosa, sinabi nito na lulan ng motorsiklo ang dalawang guwardiya at binabaybay ang kahabaan ng Peñafrancia Avenue, Barangay Peñafrancia ng aksidenteng mabangga nito ang isa ring motorista na kinilalang si Jose Miguel Borromeo.

Ayon kay Layosa, agad na nagresponde ang otoridad para imbestigahan ang pangyayari at doon nadiskobre na kapwa lasing ang dalawang guwardiya.

Nakuha sa kanilang posisyon ang dalawang baril at dalawa ring patalim.

Dagdag pa ni Layosa, duty umano ang mga ito at napag-alaman na umalis sa kanilang trabaho na dala ang nasabing mga armas at walang naipakitang mga dokumento.

Sa ngayon mahaharap ang nasabing mg guwardiya sa paglabag sa Comelec gun ban at reckless imprudence resulting to damage to properties and reckless imprudence resulting to physical injuries.