-- Advertisements --

Nagbanggaan ang dalawang firefighting helicopter habang nagsasagawa ng aerial operation laban sa malaking wildfire sa Greece nitong Linggo, kung saan patuloy ang pagkalat ng malawakang wildfire na sumira na sa mahigit 100 bahay.

Nangyari ang insidente sa Attica region, sa kanluran ng Athens, habang tumutulong ang mga helicopter sa pag-apula ng apoy.

Ayon sa Greek Fire Service, ligtas na natagpuan ang crew ng isang helicopter, habang nagpapatuloy ang search and rescue operation para sa sakay ng ikalawang aircraft.

Dahil sa matinding wildfire, nagpatupad ng sapilitang evacuations ang mga awtoridad sa ilang lugar sa Attica, kabilang ang mga komunidad malapit sa bayan ng Megara.

Samantala, panibagong wildfire rin ang sumiklab sa tourist island ng Kefalonia, dahilan upang lumikas ang mga residente sa ilang barangay.

Bagama’t humuhupa na ang mga wildfire sa France at Spain, patuloy namang nakararanas ng matinding tagtuyot at heatwave ang ilang bahagi ng Europa, na lalo pang nagpapalala sa panganib ng malawakang sunog at kakulangan sa tubig.