BAGUIO CITY – Arestado ang dalawang estudyante matapos maaksidente ang sinasakayan nilang motorsiklo habang tinatakasan nila ang mga pulis na humahabol sa kanila sa Pakak, Agbannawag, Tabuk City, Kalinga.
Nakilala ang isa sa mga ito na si James Larden Hidalgo, 19-anyos habang ang kasama niya ay isang menor de edad at pareho silang taga-Caggay, Tuguegarao City.
Batay sa report, sinita ng mga personnel ng Tabuk City Police Station at Regional Mobile Force Battalion 15 ang dalawa na nakasakay sa isang itim na motorsiklo matapos silang makatanggap ng impormasyon ukol sa pagbiyahe ng mga ito ng mga iligal na droga.
Gayunman, sinubukan ng dalawa na takasan ang mga pulis ngunit hinabol sila ng mga ito.
Napag-alaman na habang tumatakas ang dalawa ay nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang driver na nagresulta para matumba ang mga ito at mahuli sila ng mga pulis.
Nang makalapit ang mga pulis sa dalawa, nakita nila ang half brick ng pinaniniwalaang dried marijuana na nabalot ng transparent cellophane at isang plastic bag na naglalaman din ng marijuana.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Hidalgo habang ipinasakamay sa DSWD ang kasama nitong menor de edad.