NAGA CITY – Patay ang dalawang drayber matapos pagbabarilin sa Sipocot, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Kirvie Amandisir, residente ng Cagayan de Oro, Misamis Oriental at Saturnino Cruz, driver naman ng isang freezer van.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Jaymar Sierra, Assistant MCAD PNCO, napag-alaman na dakong alas-8 ng gabi, habang nakaupo sa may driver seat at nagpapahinga si Amandisir sa Ten-Wheeler Truck na minamaneho nito, nang bigla na lamang umano itong pinaputukan ng baril ng hindi pa nakikilalang suspek.
Habang nadamay din umano si Saturnino habang dumadan lang sana sa lugar ng pinangyarihan ng insidente, kung saan natamaan ito ng ligaw na bala.
Ayon kay Sierra, nakaparada sa madilim na bahagi ng kasada sa Orlando Andaya Highway ang biktima kung saan napag-alaman na wala ritong kabahayan at kahit man lang CCTV.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente lalo na ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.