Nagdeklara ng dalawang araw na unilateral ceasefire ang Communist Party of the Philippines sa lahat ng mga yunit ng armed wing nito na New People’s Army sa buong Pilipinas.
Kasabay ito ng kanilang paggunita sa ika-55 anibersaryo ng kanilang grupo, bukas, Disyembre 26, 2023.
Sa deklarasyon ng CPP, sinimulan nito ang naturang tigil-putukan pasado alas-12:01 ng madaling araw kanina, Disyembre 25, 2023, na magtatagal naman hanggang alas-11:59 ng gabi ng bukas, Disyembre 26, 2023.
Sa isang pahayag ay sinabi nto na ang nasabing deklarasyon ay layuning bigyang halaga at gunitain ang nalalapit na anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines.
Kung maaalala, una nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na hindi nito irerekomenda ang pagdedeklara ng tigil-putukan sa CPP-NPA-NDF at ang naturang aktibidad naman ng nasabing komunistang grupo ay kabilang din anila sa pinaghandaan ng mga otoridad ngayong Holiday season.