LAOAG CITY – Arestado ang dalawang Chinese national sa Ilocos Norte matapos umanong itakas ang taxi na kanilang inarkila mula sa Maynila.
Kinilala ni Executive Master Sgt. Wenceslao Villaflor, deputy chief of police ng Pagudpud Municipal Police ang mga dayuhan na sina Jun Yuan, 22; at Shin Li Wa, 21.
Batay sa ulat, galing Pasay City ang dalawa nang kontratahin ng mga ito ang taxi na minamaneho ni Bryan Gallardo para magpahatid sa Cagayan.
Pero nang tumigil umano sila sa Pagudpud para sa stop over ay tinakas ng Chinese nationals ang taxi.
Nagtangka raw na umuwi ng Maynila sa Gallardo pero nabatid nito na nawalan ng gasolina ang sasakyan sa bayan ng Bacarra kaya agad itong nagpatulong sa pulisya.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Bureau of Immigration na ipapa-deport na nila ang dalawang Chinese.
Ayon kay BI regional director Paul Verzosa, walang dokumento ang isa sa mga dayuhan, habang ang isa’y overstaying na sa kanyang visa.