BACOLOD CITY – Patay ang dalawang kabataan habang naisalba pa ang tatlong iba ng malunod matapos maligo sa drainage ng isang private property sa lungsod ng Bacolod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa commander ng Police Station 4 na si Lt. Rondyl Tapang, nangyari ang aksidente pasado alas-4:00 kahapon ng makapasok sa property ng Mega World sa Brgy. 41 ang mga kabataan.

Naghahanap aniya ang mga bata ng ibon at posible dahil daw sa “curiosity” tumalon ang mga ito sa drainage upang maligo.

Kinilala ang mga nasawi na sina Adrian Bagundol, 10, at Robert Porcino, 6, ng Purok Star Apple, Barangay 27, Bacolod City.

Samantala dinala naman sa hospital sina Edgardo Monserati Jr., 6, at Paul Soquiño, 8.

Hindi naman tumalon sa hukay ang 6-anyos na si Prince Justine kaya hindi ito nasugatan.

Sa tantiya ni Tapang, aabot sa 6-7 feet ang lalim ng tubig sa drainage.

Dagdag pa ng police commander, palagi namang sinisita ng guwardiya ang mga kabataan na huwag pumasok sa lugar dahil isa itong pribadong pag-aari ngunit posible na hindi sila nakita dahil na rin sa lawak nito na isa sa inaasahang magiging landmark sa lungsod.