-- Advertisements --
image 14

Iniulat ng dating US Air Force official na hinarang at hinabol umano ng China Coast Guard (CCG) vessels at militia ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa resupply mission nito noong Hunyo 30.

Aniya, iniskortan ng Philippine Coast Guard (PCG) vessels na BRP Malabrigo at BRP Malapascua ang maliit na bangka na magbibigay ng mga suplay para sa mga sundalo na nananatili sa nakaangklang barko ng Philippine Navy na BRP Sierra Madre sa may Ayungin shoal nang maka-enkwentro nila ang isang armada ng China Coast Guard militia.

Ayon pa kay Raymond Powell, isang Gordian Knot Center for National Security Innovation fellow na matapos ang resupply mission, sinundan ng CCG ang barko ng PCG patungo sa silangang bahagi.

Ang CCG 3103 na dumating mula sa Scarborough Shoal ay bumalik sa karatig na military base ng China sa Mischief reef habang ang CCG 4203 ay nagpatuloy sa pagpapatrolya sa may Sabina shoal.

Saad pa nito na ang dalawang China Coast Guard vessel at 7 militia ships ay nakaposisyon para harangin ang resupply mission sa may Ayungin shoal.

Habang nasa 7 militia ship naman ang nagpapatrolya sa 20 hanggang 60 kilometrong hilagang kanluran ng Mischief reef at isa pang CCG vessel ang malapit sa lugar.

Ayon naman kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na hindi pa nito makumpirma sa ngayon kung nangyari nga ang naturang insidente noong Hunyo 30.