-- Advertisements --

Iniulat ng Department of National Defense na may namataan ang mga kinauukulan na presensya ng China sa kasagsagan ng ikinasang Multilateral Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas kasama ang Japan, Australia, at Estados Unidos sa West Philippine Sea.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., mayroon silang na-monitor na dalawang People’s Liberation of Army Navy ship ng China ang bumubuntot sa mga barko ng naturang mga bansa sa kasagsagan ng naturang aktibidad.

Gayunpaman ay sinabi ng heneral na nanatili itong nakadistansya na may layong six nautical miles mula sa mga barko ng mga bansa ng kalahok sa aktibidad at wala rin naman aniyang ginawang anumang aksyon ang mga ito upang hadlangan ang maritime exercises na kanilang isinasagawa.

Kung maaalala, una nang inihayag ng China na magsasagawa rin ito ng combat patrols sa naturang lugar kasabay ng nasabing aktibidad ng Pilipinas kasama ang iba pa nating mga kaalyadong bansa.

Ngunit sabi ni Gen. Brawner ay wala naman aniya silang na-monitor na anumang aktibidad ng mga barko ng China sa lugar noong mga panahon na iyon.

Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang AFP sa posibleng intension ng presensya ng China sa lugar ngunit wala naman aniya silang natanggap na anumang radio challenge mula sa mga ito.

Kung maaalala, una nang binigyang-diin ng Department of National Defense na ang ikinasang Multilateral Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas kasama ang iba pang mga bansa ay hindi show of force at ito anila ay alinsunod pa rin sa international law.