Nakapagtala ng dalawa pang mga bagong kaso ng stray bullet o ligaw na bala ang Department of Health sa bansa ilang araw matapos ang pagsalubong sa Bagong Taong 2024.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya, isa sa mga biktima ay isang lalaking may edad na 28 taong gulang mula National Capital Region na nagtamo ng fracture sa kaniyang daliri sa paa nang dahil sa ligaw na bala.
Habang ang isang kaso naman ay naitala sa Cordillera Administrative Region kung saan isang lalaking may edad na 68 taong gulang naman ang nabiktima na nagtamo rin ng fracture sa kaniyang kaliwang collar bone.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang pakikipag-ugnayan ngayon ng DOH sa iba pang ahensya ng pamahalaan partikular na sa Philippine National Police para naman sa mga karagdagan pang ulat ng stray bullet injuries na naitatala sa bansa.
Samantala, kaugnay nito ay muli namang hinikayat ng DOH ang lahat kabilang na ang mga law enforcement, local leaders, at taumbayan na magkaisa para sa pagbuo ng isang ligtas na komunidad lalo na sa ganitong uri ng mga okasyon.
Kung maaalala, una nang inihayag ng PNP na umabot na sa mahigit sampung insidente at biktima ang naitatala nitong mga kaso ng ligar na bala sa bansa.