Isang launching ceremony ang isinagawa para sa dalawang bagong-gawang fast attack interdiction craft (FAIC) ng Philippine Navy (PN) sa Haifa, Israel nitong linggo.
Ang launching ceremony ay sinaksihan ng delegasyon ng Philippine Navy na pinangunahan ni Commodore Alfonso Torres Jr., Chairperson ng Pre-Delivery Inspection Team, at Commodore Roy Vincent Trinidad, Chairperson ng FAIC Acquisition Project Management Team.
Sa mensahe ni Commodore Torres, kaniyang pinuri ang magandang kooperasyong pandepensa ng Pilipinas at Israel sa naunang Multi-Purpose Assault Craft (MPAC) program ng Phil. Navy.
Sinabi ni Torres, ito aniya ang naging daan para sa FAIC Acquisition Project, kung saan kasama sa kasunduan ang “transfer of technology”, na siyang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng kooperasyong pandepensa ng dalawang bansa.
Kasunod ng paglulunsad, ang dalawang barko ay sumailalim sa Pre-delivery inspection mula kahapon hanggang sa June 30, bago pormal na i-turn over sa Phil. Navy.