-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na may panibagong 2.7 million doses ng Sputnik V vaccines darating bukas mula sa Russia.

Ayon sa abiso ng NTF, binili ang mga ito ng gobyerno sa Russian drug manufacturer, para punan ang pangangailangan ng bansa sa bakuna sa mga lalawigan.

Sa impormasyon naman ng Philippine Airlines (PAL), sinabi ni PAL spokesperson Cielo Villaluna na ang kanilang PR8622 ay umalis na kanina patungo sa Sheremetyevo Alexander S. Pushkin International Airport (SVO) sa Khimki, Moscow, Russia.

Sa kanilang pagtaya, bukas na ito makakabalik sa ating bansa at nakatakdang salubungin ng ilang opisyal ng gobyerno, para tanggapin ang mga bakuna.