LEGAZPI CITY – Kasabay ng pag-obserba sa Undas, inalala ng mga taga-Guinobatan, Albay ang mga binawian ng buhay sa pagtama ng Bagyong Rolly sa nagdaang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Joy Maravillas, nagsagawa ng misa sa simbahan para ipanalangin ang mga biktima.
Live rin itong napanood ng publiko sa social media upang kahit sa bahay, makapakinig ang mga residente dahil na rin sa restrictions kaugnay ng COVID-19 pandemic.
Siyam na barangay pa sa naturang bayan ang nasa ilalim ng granular lockdown habang sarado rin ang mga sementeryo.
Dakong alas-8:00 naman kagabi, sabay-sabay na pinatunog ang kampana ng mga simbahan, nagsindi ng kandila at ipinananalangin ang mga biktima ng bagyo.
Maaalalang karamihan sa mga nasawi sa pananalasa ng bagyo ay inanod ng malawakang baha at nailibing sa mga materyales mula sa Bulkang Mayon.
Kasabay nito, panawagan ni Maravillas sa mga residente na magsilbing-aral ang iniwan ng bagyo upang mas maghanda sa anumang kalamidad.