VIGAN CITY – Nakatakdang itayo sa Ilocos Sur partikular na sa bayan ng Caoayan, ang kauna-unahang shared cell tower sa bansa.

Ito ay kasabay ng isinagawang groundbreaking ceremony kahapon na pinangunahan ng LCS Holdings Inc., ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson at ng UA Withya PCL ng Thailand.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, inaasahang sa mga susunod na buwan ay magiging operational na ang nasabing tower na una sa halos 50,000 shared cell towers na isinusulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na maipatayo sa bansa.

Una nang tiniyak ni Singson na tutulong sila sa operasyon ng DICT at ng ikatlong telecommunications player ng bansa na DITO Telecommunity na inaasahang unang customer ng tower.

Kung maaalala, ang kakulangan sa cell sites ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit mahina ang ilang mobile at internet services sa Pilipinas.

Ito’y dahil sa 18,000 tower sa bansa, walang-wala ito sa halos 70,000 tower ng Vietnam o ng iba pang bansa sa Asya.