Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na kanilang tututukan ang mga lungsod at mga munisipalidad mula first hanggang sa 4th class para tiyakin ang pantay-pantay na pagbibigay ng mga resources sa mga paaralan.
Una rito, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na malaki pa rin ang kanilang hahabulin kung pag-uusapan ang accessibility at sapat na imprastraktura para sa mga paaralan sa bansa.
Sinabi ng pangalawang pangulo na hindi lamang fifth at sixth class municipalities ang bubuhusan ng pondo para tugunan ang kakulangan sa silid-aralan at iba pang pasilidad.
Ibinahagi pa nito ang kanyang karanasan bilang alkalde noon ng Davao na sa kabila na isa itong highly-urbanized city ay mayroon din aniya silang problema sa infrastructure development kahit na malaki ang nakalaang budget at special education fund.
Ayon sa bise presidente, partikular na rito ang last mile, geographically isolated at disadvantaged schools na matatagpuan sa lungsod.