-- Advertisements --

Ngayon pa lamang ay ibinibida na ni Shamcey Supsup ang nilulutong first-ever fundraising online pageant series para sa magiging kinatawan ng bansa sa Miss Universe ngayong taon.

Ayon sa 34-year-old beuaty queen turned businesswoman, hangad nitong magsilbi pa ring inspirasyon sa audience ang naturang digital beauty pageant program na target nilang ilunsad sa darating na September 27.

Tatawaging “Ring Light” ang virtual project sa gitna ng coronavirus pandemic sa bansa, na mayroong walong episode kung saan magpapatalbugan ang 50 aspiring Miss Universe Philippines candidates mula sa preliminaries hanggang sa coronation night.

Miss U Ring Light

“We’re very excited to launch Ring Light, the first-ever fundraising online pageant series that will allow fans to take the same journey to the crown while making a positive impact. With this online series, we hope to inspire our viewers to find their own light and empowerment and show that beauty is not only skin deep,” ani Shamcey Supsup-Lee.

Sa huling pahayag ni MUP (Miss Universe Philippines) Creative Director Jonas Gaffud, napagpasyahan umano nila na isagawa ang coronation sa Oktubre 25, 2020.

Wala pa namang abiso kung paano ang “final walk” ni Gazini Ganados bilang 2019 Binibining Pilipinas-Universe ngayong hiwalay na ng franchise ang MUP.

Bigo si Ganados na maibigay ang back-to-back win sunod kay Catriona Magnayon Gray kung saan Top 20 finish lamang siya sa Miss Universe noong nakaraang taon.

Kung maaalala, si Supsup ay magna cum laude at licensed architect bago tinanghal bilang third runner-up noong 2011 Miss Universe at ngayo’y siyang national director ng Miss Universe Philippines.