KORONADAL CITY – Nasa 19 na barangay chairman ng bayan nga Lake Sebu, South Cotabato ang kasalukuyang nasa isolation facility kung saan isa sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19 ngunit nasa mabuti nang kalagayan.
Ito ang inihayag ni Lake Sebu Mayor Floro Gandam sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Mayor Gandam, kasalukuyan namang naghihintay ng swab test ang 18 na mga close contact ng nagpositibo sa virus habang nagpapatuloy pa rin ang contact tracing sa ilang mga barangay kagawad na nakahalubilo ng mga ito.
Ngunit ipinasiguro ng alkade na hindi nakadalo sa kanyang State of the Municipal Address ang nabanggit na mga barangay official.
Dagdag pa ng alkalde, nakipagpulong pa umano ang mga nasabing mga barangay chairman kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. bago nagpositibo ang isa sa mga ito.
Sa ngayon, ipinasisiguro ng alkalde na nasa mabuting kalagayan ang mga ito at nananawagan din ng suporta sa kaniyang nasasakupan lalo na’t patuloy pang dumarami ang kaso sa buong probinsya ng South Cotabato.