-- Advertisements --

Patuloy ang pag-alburuto ng Taal Volcano sa mga nakalipas na 24 oras, kung saan pumalo sa 185 volcanic earthquakes ang naitala, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Kaya naman hanggang sa ngayon ay nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Taal Volcano, base na rin sa 8:00 am bulletin ng Phivolcs.

Sa katunayan, ang magma na lumalabas sa Main Crater ay posibleng magresulta sa pagsabog nito.

Kabilang sa naitalang volcanic earthquakes ay ang pitong low frequency volcanic earthquakes, 176 volcanic tremor events na tumagal mula isa hanggang 16 minuto, at low-level background tremor na naramdaman simula pa noong Hulyo 7, ayon sa Taal Volcano Network.

Patuloy namang naglalabas din ang buklan ng volcanic sulfur dioxide na mayroong average na 6,421 tonnes/day hanggang noong kahapon.

Umaabot naman ng hanggang 1,500 meters ang steam-rich plumes na pinakakawalan nito bago pa man tinatangay ng hangin sa direksyon na southwest at west-northwest mula sa crater.