-- Advertisements --

Libu-libong indigent families ang inalis at pinalitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng kanilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa budget breifing sa Kamara, sinabi ni DSWD Dir. Gemma B. Gabuya na nagkaroon ng attrition sa 4Ps kung saan nasa 180,000 households ang tinanggal at pinalitan sa naturang programa.

Sinabi ni Gabuya na hindi na qualified ang mga ito sa requirements ng 4Ps kaya sila ay tinanggal at pinalitan.

Sa kasalukuyan, 4.3 million ang 4Ps beneficiaries base sa kanilang listahan, at inaasahang madagdagan pa sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Gabuya, target nilang maitaas ang naturang bilang ng hanggang 4.4 million bago matapos ang kasalukuyang taon.

Mababatid na sa mga nakalipas na buwan kabilang ang 4Ps beneficiaries sa nabigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP) sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Base sa latest data ng DSWD, 97 percent na ng 14.1 million target beneficiaries ng second tranche ng SAP ang napahatiran ng tulong pinangsyal.

Aabot na sa P82.7 billion ang naipamahagi ng kagawaran sa pamamagitan ng direct payout at digital payment system.