-- Advertisements --

18 na katao pa ang nawawala sa Taiwan kasunod ng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa nasabing bansa noong Miyerkules ng umaga.

Sa huling ulat, sampu na ang naitalang namatay sa nangyaring kalamidad at ilang daan din ang na-stranded sa mga national park dahil sa pagkasira ng mga tulay at pagguho ng mga bato. 

Kabilang sa 18 na nawawala ang mga foreigners na Indian, Canadian, at Australian na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ang mga lokasyon nito. 

6 na katao naman ang hindi pa mahanap sa isang hiking trail kaya 45 na rescuers na ang ipinadala upang hanapin ang mga ito. 

Kinumpirma rin ng mga rescuer na ligtas na ang 400 katao na na-stranded sa isang luxury hotel sa Taroko Gorge National Park at pinapadalhan na ng mga food supply gamit ang helicopter.

Patuloy pa ring nararanasan ang aftershocks sa Hualien county na nararamdaman din sa Taipei.